Abante Tonite Interactive

3-buwang sanggol ginamit ng ermat sa drug courier

189

Nadakip ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 1 ang isang 40-anyos na babae na ginagamit ang kanyang 3-buwang gulang na anak sa pagbebenta ng iligal na shabu kahapon sa Tondo, Maynila.

Nakuha pa ang ilang sachet ng shabu sa suot na medyas ng baby na anak ng suspek na si Analiza, taga-Lacson St., Tondo.

Ang suspek ay inaresto ni Barangay Kagawad Al ‘Batas’ Velenzona, ng Brgy. 108, District 1, Tondo.

Ayon kay Valenzona, nagsasagawa sila ng clearing­ operation alas-8:45 ng umaga nang maabutan si Analiza na nagbebenta ng shabu.

Nakita umano ni Valenzona na may inaabot ang suspek na pinaniniwalaan nitong shabu habang karga ang sanggol kaya nilapitan ang suspek at napansin ang bumubukol sa medyas nito.

Nang usisain ang medyas ng sanggol ay dito na nakita ang dalawang sachet ng shabu habang hawak ang cellphone at iba pang drug paraphernalia.

Nalaman na hindi umano nakatira sa lugar ang suspek at dumarayo lamang sa lugar para doon magbenta ng shabu. (Juliet de Loza-Cudia)