Abante Tonite
Mabilis sa Balita

3 EDSA busway stop pa bubuksan ng DOTr

0 61

Bubuksan na ng Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang median bus stop ng EDSA Busway sa North Avenue, Quezon Avenue, at Nepa Q-Mart simula ngayong Sabado, Setyembre 5.

Dahil dito, madaragdagan na ang mga lugar kung saan papayagang sumakay at bumaba ang mga pasahero ng bus na bumabaybay sa EDSA Busway.

Matatandaan na noon ay mayroon lamang apat na median bus stop (Guadalupe, Ortigas, Santolan, Main Avenue) kung saan pinapayagang tumigil panandalian ang mga bus upang magsakay at magbaba ng pasahero.

“Sa pagbubukas ng tatlong (3) median bus stop, magiging mas madali, maayos at ligtas ang pagbaba at pagsakay sa mga bus para sa mga pasahero sa mga nasabing lugar,” wika ni DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor.

Sa kabuuan, magkakaroon ng 29 na bus stop sa EDSA Busway, 15 dito ay kumpleto na. Ang mga nalalabi ay unti-unting bubuksan matapos kumpletuhin ang mga kinakailangang imprastraktura at kagamitan upang masiguro na ito ay magiging ligtas sa mga pasahero.

Leave A Reply

Your email address will not be published.