Abante Tonite Interactive

3 estudyante, 1 pa swak sa buy-bust

283

By Gene Adsuara

Arestado ang tatlong high school student at kasama nilang barkada matapos mahulihan sila ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isang buy-bust operation sa Imus City, Cavite Sabado nang umaga.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek na pawang mga nasa hustong gulang na at kinilalang sina Adam Espina alyas Jam; John Marvin Castroverde, 21; Jazzpher Aaron Lacap, 20, pawang residente ng Imus City; at Christian Mendoza, 19, taga-Bacoor City.

Sa ulat ni Patrolman Wilfredo Villanueva ng Imus City Police Station, dakong alas-singko ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga elemento ng Station Drug Enforcement Unit ng nasabing himpilan at Philippine Drug Enforcement Agency sa Barcelona Phase 3, Brgy. Buhay na Tubig sa nasabing lungsod, laban kay Espina na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Kasunod nito ay naaresto rin sina Castroverde, Lacap at Mendoza na nagbenta rin ng pinatuyong dahon ng marijuana sa poseur buyer.

Tinatayang 15.24 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang narekober sa mga suspek at nabawi rin ang pera na ginamit sa buy-bust.

Kasalukuyan silang nakakulong sa Imus City Custodial Center.