Abante Tonite Interactive

3 estudyante kalaboso sa bitbit na P12K marijuana

216

Arestado ng pinagsanib na puwersa ng tauhan ng Taguig City Police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tatlong estudyante na nakumpiskahan ng 100 gramo ng pinatuyong marijuana sa buy-bust operation sa Barangay Central Signal sa Taguig City nitong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ni Police Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police ang nadakip na sina Lance, 20; Jessie, 19; at France, 19, pawang naninira­han sa Sampaloc, Brgy. Central ng nasabing lungsod.

Sa report, alas-otso ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa nasabing barangay nang isa sa mga miyembro ng pulisya ang nagpanggap na poseur buyer at bumili ng P500 pinatuyong marijuana sa mga suspek.

Hindi na nakapalag ang tatlong estudyante nang dakmain ng mga awtoridad habang inaabot ang binibi­ling marijuana.

Nakumpiska sa mga suspek ang 100 gram ng hinihinalang pinatuyong marijuana na nagkakahalagang P12,000, Hyundai Getz, cellular phone at empty ziplocked transparent plastic sachet.

Agad namang itinurn-over ng pulisya sa PNP Crime Lab ang mga nakumpiskang droga upang isailalim sa chemical analysis. (Armida Rico)