Abante Tonite Interactive

3 estudyante nahulihan ng shabu sa school

By
431

Dalawang estudyante sa kolehiyo at 1 pa sa high school ang inaresto ng mga awtoridad matapos makuhanan ng shabu sa loob mismo ng compound ng kanilang paaralan sa magkahiwalay na insidente sa Pasay at Taguig City kahapon.

Agad na itinurnover sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek na itinago sa pa­ngalang ‘Dennis’, 17-anyos na binatilyo, high school ­student sa Corazon National High School sa Brgy. 184, Maricaban, Pasay City.

Base sa report ng Pasay City Police, dakong ala-una ng hapon nang makapkapan ng lady guard na si Marife Regala si Dennis habang papasok sa gate ng eskuwelahan.

Nakuha dito ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu.

Kaagad na dinala sa principal’s office ang suspek at ang tanggapan naman ng principal ang agad na nag-report ng insidente sa Pasay City Police.

Agad namang dinala sa Department of Social Welfare and Development ang suspek.

Dakong alas-2:30 naman ng hapon habang nagpapatrolya ang mga kagawad ng Taguig City Police sa Taguig City University sa Barangay Central Bicutan ng naturang lungsod nang mamataan ang kahina-hinalang kilos ng mga college student na sina John Clement Troy Manalo, 18-­anyos at Janine Cardozo, 19-­anyos, na pawang naninirahan sa Central Bicutan, Taguig City.

Sinita ng mga pulis ang dalawa at nang kapkapan ang mga ito ay nakuha sa kanila ang limang pirasong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang marijuana na nasa 8.0 gramo.

Agad namang dinala ang mga ito sa nasabing himpilan ng pulisya at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.