Abante Tonite
Mabilis sa Balita

3 estudyante todas habang nagmo-module

0 67

Nasawi ang tatlong kabataang estudyante na nasa edad 10 hanggang 16 matapos mawalan ng preno at araruhin ng isang dump truck ang tindahan kung saan umuupa ng pisonet ang mga biktima habang gumagawa ng module, Linggo ng hapon, sa bayan ng Placer, Masbate.

Dead on the spot dahil sa tinamong mga grabeng pinsala sa kanilang katawan ang mga biktimang nakilalang sina Christy Francisco, 16-anyos, grade 11; Jelian Tamayo, 13, grade 7; at Ferdalyn Cañete, 10, grade 5, pawang mga residente ng Brgy. Matagantang ng nabatid na bayan.

Samantala, sinubukan pang tumakas subalit kalaunan ay nadakip din ng pulisya ang suspek na nakilalang si Jomar Tanael, 30, drayber ng dump truck ng isang construction firm, at residente ng Poblacion East, Milagros, Masbate.

Base sa ulat ng Placer Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente alas-3:45 kamakalawa ng hapon sa Purok 9, Brgy. Matagantang ng nasabing bayan.

Kasalukuyang gumagawa ng module ang mga estudyanteng biktima sa gilid ng isang tindahan habang umaarkila ng pisonet nang bigla na lang araruhin ito ng 10-wheeler na minamaneho ng suspek na umano’y nawalan ng kontrol habang mabilis na tumatakbo sa kalsada.

SM food to go Banner Ad

Dahil sa sobrang lakas ng salpok ng trak ay parang winalis ang tindahan at nakaladkad pa ng dambuhalang sasakyan ang mga biktima dahilan ng agaran nilang kamatayan.

Sinubukan pang tumakas ni Tanael subalit nadakip din siya kalaunan ng mga rumespondeng kagawad ng pulisya.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Placer MPS, matulin umano ang takbo ng trak at pagsapit sa pakurbang kalsada ng lugar ay hindi na kumagat ang preno nito dahilan upang mawala ito sa giya at magtuloy-tuloy na salpukin ang tindahan na ilang metro lang ang layo sa tabing kalsada.

Sa ngayon ay nakapiit na ang suspek sa Placer MPS detention cell at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and da­mage to properties. (Edwin Balasa/Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.