Abante Tonite
Mabilis sa Balita

3 ex-cop, 2 kasabwat absuwelto sa Lazatin murder

0 76

Ni Nancy Carvajal

Binaliktad ng Court of Appeals (CA) kamakailan lamang ang naging hatol ng mababang hukuman at inutos na palayain ang tatlong dating pulis at dalawang kapwa akusado sa pagdukot at pagpatay sa isang negosyanteng babae na natagpuan ang bangkay sa loob ng isang drum na palutang-lutang sa Pasig River noong 2016.

“The assailed Joint Decision dated November 15, 2019 of the Regional Trial Court Branch 197, Las Piñas City in Criminal Case No. 16-0464 is Reversed and Set Aside,” base sa desisyon ng CA na nabasa ng Abante Tonite.

Pinawalang-sala ng CA ang mga akusadong sina Lt. Elgie Jacob, PO1 Marc Jay de los Santos, PO1 Edmon Gonzales, Empire Salas at Domingo Balanquit na sinampahan ng kasong kidnapping with homicide dahil umano sa “reasonable doubt” at inutos ang agarang pagpapalaya sa mga ito mula sa bilangguan maliban na lamang kung may kinakaharap na iba pang kaso.

Una nang hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng isang hukuman sa Las Piñas dahil sa kidnapping at homicide sa biktimang si Adora Lazatin.

Related Posts

Natagpuan ang bangkay ni Lazatin sa loob ng isang drum na nakitang palutang-lutang sa Pasig River noong Abril 8, 2016.

Nabatid na nagbebenta si Lazatin ng isa niyang property at makikipagkita sana sa kanyang mga buyer nang maganap ang pagdukot at kalaunan pagpatay sa kanya.

Base sa ulat, ang mga akusado na pawang inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ay mga nakasuot pa ng police uniform at isa may Spider-man hood nang subukang mag-withdraw mula sa bank account ng biktima gamit ang ATM nito sa iba’t ibang bangko sa Metro Manila.

Ayon sa mga naunang ulat, may 100 ahente pa ang ipinakalat ng NBI sa mga ATM machine sa apat na lungsod sa Metro Manila para matunton kung sino ang nagwi-withdraw mula sa account ni Lazatin.

Leave A Reply

Your email address will not be published.