Abante Tonite Interactive

3 galamay ng Hermosa robbery gang todas sa shootout

355

Sunod-sunod na tumimbuwang ang tatlong galamay umano ng Hermosa robbery group makaraang makipagbarilan sa mga pulis nitong Sabado nang hatinggabi sa Barangay Sto. Domingo, Quezon City.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Joselito Esquivel Jr., ang mga napatay na suspek ay nakilala pa lang sa mga alyas na Jeffrey, Nono, at Bert.

Batay sa ulat ng QCPD, bago ang engkuwentro ay nagsasagawa ng anti-criminality at surveillance operation ang mga tauhan ng District Special Operations Unit laban sa mga miyembro ng Hermosa robbery group nang makatanggap ng impormasyon na may bibiktimahin na naman ang grupo sa naturang lugar.

Agad nagkasa ng operasyon ang mga pulis, at napuna ang presensiya ng dalawang motorsiklo kung saan nakasakay ang apat na suspek na tumutugma sa impormasyong ibinigay ng kanilang asset.

Humingi ng responde sa iba pa nilang kasamahan ang mga operatiba at saka nilapitan ang mga suspek. Pero bigla umano silang pinaputukan ng mga suspek kaya gumanti na rin ng putok ang mga pulis.

Bulagta ang tatlong suspek habang nakatakas naman umano sakay ng motorsiklo si Nonoy Hermosa na siyang lider ng grupo.

Narekober ng mga pulis mula sa napatay na mga suspek ang tatlong kalibre .45 baril na may mga bala, dalawang magazine nito, isang kulay orange na Honda Beat motorcycle na walang plaka, at isang pakete ng shabu. (Dolly Cabreza)