Abante Tonite Interactive

3 holdaper todas sa palabang negosyante

By
136

Binaril at napatay ng isang negosyante ang isang holdaper habang sugatan naman ang dalawang kasamahan nito matapos na looban ang kanyang tindahan sa Quezon City nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ni Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang suspek na namatay noon din na si Herminigildo Garcia, 36, binata at residente ng No. 2 Himlayan Road, Brgy. Tandang Sora sa nasabing lungsod.

Nagtamo ito ng tatlong tama ng bala sa katawan.

Ginagamot sa Quezon City General Hospital at East Avenue Medical Center ang dalawa pang suspek na sina Dino Carlo Buenavesta, 38, ng No. 22 Cebu St., Brgy. Culiat, at Floro Calbahao, 48, security guard, naninirahan Talanay Arta, Brgy. Batasan Hills ng nasabing lungsod.

Nabatid na dakong alas-7:45 ng gabi nang holdapin ng mga suspek ang tindahan ng biktimang si Oliver Chiong, 36-anyos, sa Matahimik St., Brgy. Teachers Village West.

Isasara na umano ng biktima ang kanyang tindahan nang pumasok ang tatlong suspek, tinutukan siya ng baril at nagpahayag ng holdap saka mabilis na nilimas ang perang nasa kaha na nagkakahalaga ng P560,000, isang unit ng Samsung smartphone, iPod at tatlong Nokia cellphone.

Patakas na ang mga suspek nang maagaw ni Chiong ang baril ng isa sa kanila at pinutukan ang mga ito na sabay-sabay na duguang bumulagta.