Abante Tonite Interactive

3 kandidato sa Speakership race hihilutin ni Pacquiao

413

Tatangkain ni Senador Manny Pacquiao na suyuin ang kanyang mga kapartido sa PDP-Laban sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na pag-isahin ang kanilang puwersa upang magkaroon lamang ng iisang kandidato para sa liderato ng Kamara pagpasok ng bagong Kongreso sa Hulyo.

Nagpag-alaman ng Tonite sa ilang insider ng partido na pormal na inimbitahan ni Pacquiao para sa isang pribadong pagpupulong sa kanyang mansyon sa Forbes Park ang tatlong Speaker-wannabe ng PDP-Laban na sina reelected Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco, reelected Pampanga Rep. Aurelio ‘Dong’ Gonzales, at dating House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez (Davao del Norte).

Pipilitin umano kumbinsihin ni Pacquiao ang tatlo niyang kapartido na pag-isahin na lamang ang kanilang mga puwersa upang magkaroon ng iisang manok na ilalaban sa pagka-Speaker ng Kamara sa susunod na buwan.

Ang eight-division world boxing champion na nagsilbi din bilang overall campaign manager ng PDP-Laban noong midterm election ay nangangamba umano na kung magpapatuloy na watak-watak ang kanyang mga kapartido sa Kamara ay hindi malabong masulot ng ibang puwersa ang liderato ng Mababang Kapulungan.

Bukod kasi sa tatlong miyembro ng PDP-Laban ay may dalawa pang kongresista na nag-aasam din upang masungkit ang liderato ng Kamara kagaya nila incoming Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez ng Lakas-CMD at Taguig-Pateros Congressman-elect Alan Peter Ca­yetano ng Nacionalista Party (NP).

Ang isang kandidato sa pagka-Speaker ay nangangailangan ng hindi bababa sa 153 boto upang masungkit ang liderato ng Kamara subalit dahil lima nga ang naglalaban-laban para sa puwesto ngayon ay hindi na ito kailangan at tanging plurality o simple majority lang ng boto ang kakaila­ngainin upang maging susunod na lider ng kapulungan. (JC Cahinhinan)