Abante Tonite Interactive

3 kidnapper bulagta sa Cavite shootout

364

Patay ang tatlong miyembro diumano ng isang kidnap-for-ransom group na pinamumunuan ng isang dating pulis matapos makipagbarilan sa mga awtoridad sa Indang, Cavite madaling-araw nang Miyerkoles.

Sa tatlong napatay na suspek ay isa pa lamang ang nakilala sa pangalang Vince Venice alyas Pigsa na kanang kamay umano ng isang ex-P/SSgt. Marcelino Pacia Jr., dating nakatalaga sa Southern Police District (SPD) pero nag-AWOL (absent without official leave) simula pa noong 2016.

Ayon kay Cavite Police Provincial Office director P/Col. William Segun, dakong alas-tres ng madaling-araw nang maganap ang engkuwentro.

Nabatid kasama ng mga operatiba ng Phili­ppine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang lokal na pulisya para i-serve sana ang search warrant laban kay Pacia para sa kasong illegal possession of firearms and ammunition sa safehouse ng grupo sa Kayguit Road, Brgy. Kayguit 1 sa bayan ng Indang.

Pero hindi pa umano nakakalapit sa target na bahay ang mga pulis ay agad na silang pinaputukan ng mga suspek. Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong suspek.

Samantala, wala naman umano si Pacia sa nasabing lugar nang maganap ang engkuwentro.
Nakakuha sa safehouse ng mga suspek ng isang M16 rifle, isang Beretta 9mm pistol at isang kalibre .45. Nakarekober din ng kulay pulang Suzuki Ertiga na walang plaka.

Base sa ulat ng pulis­ya, si Pacia ay dating nakadestino sa SPD bago ito nag-AWOL noong 2016 at bumuo ng kidnap-for-ransom group na nagsasagawa ng kanilang ope­rasyon sa Metro Manila partikular sa Pasay City at ang kadalasang biktima ay mga negosyanteng Chinese national. (Gene Adsuara/­Edwin ­Balasa)