Abante Tonite Interactive

3 minasaker sa La Union

342

Dead on-the-spot ang tatlong katao matapos silang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng isang merchandising building sa Barangay Catbangen, San Fernando City, La Union noong Huwebes.

Kinilala ng San Fernando City Police Station (SFCPS) ang mga biktima na sina Ferdinand Gacayan, security guard; Haide delos Reyes, accountant; at Kareena Mirchandani, manager ng Shana Kenny Merchandise (SKM), pare-parehong taga-Barangay Catbangen.

Sa inisyal na imbestigasyon, ayon sa SFCPS, may dalawang lalaking pumasok sa SKM, nilapitan ang mga biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril.

Ayon sa mga operatiba, inaalam pa nila sa mga kamag-anak ng mga biktima kung may kinalaman ang nasabing insidente sa pamamaril kay Lal Mirchandani, may-ari ng SKM computer shop, na asawa ni Kareena.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan ang SFCPS sa kalapit na establisimyento na may CCTV upang malaman ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Kumukuha na rin ng impormasyon ang mga pulis sa mga kamag-anak ng mga biktima. ­(Allan Bergonia)