Abante Tonite Interactive

3 nakuryente sa ginagawang school

0 184

By Orlan Linde

Patay ang isang construction worker habang nasa malubhang kalagayan ang dalawa niyang kasamahan matapos makuryente sa ginagawa nilang paaralan sa Navotas City kahapon nang umaga.

Dead on-the-spot si Orlando Gediom, 30, naninirahan sa Brgy. San Juan, Alaminos Laguna dahil sa 3rd degree burn dulot ng mataas na boltahe ng kuryente.

Ginagamot naman sa Navotas City Hospital ang katrabaho niyang sina Rey Juan, 33, ng San Clemente, Tarlac at Jordan Pacheco, 20, ng Brgy. Apad, Humalig Quezon Province. Nagtamo ang mga ito ng sugat sa katawan at mga braso.

Empleyado ang mga biktima ng Micro Pile Cons­truction Company na nakakontrata sa paggawa sa konstruksyon ng Navotas Elementary School sa Los Martinez St., cor. Naval St., Brgy. San Jose, Navotas City.

Base sa report, abalang-abala ang mga biktima sa pagtatrabaho sa nasabing paaralan bandang alas-10:00 nang umaga ngunit habang may hawak na bakal si Gediom ay aksidente itong nadikit sa live wire sa poste ng Manila Electric Company at nag-spark hanggang sa nakuryente ang una.

Nadamay ang dalawa niyang kasamahan sa lakas ng ground dahil bakal din ang kinatatayuan ng mga ito.