Abante Tonite Interactive

3 natutulog na pamangkin pinagtataga ng tiyuhin

413

Sugatan ang tatlong bata matapos pagtatagain habang natutulog ng isang 48-anyos na lala­king umano’y may ­diperensya sa pag-iisip kahapon ng madaling-araw sa bayan ng Baleno, Masbate.

Ginagamot ngayon sa Masbate Provincial Hospital sanhi ng tinamong mga taga sa katawan ang mga biktimang sina Yorolly, 8-anyos; kapatid na si Yorene, 12, at kaanak na si Jeric, 9, pawang residente ng Sitio Cagcombong, Barangay Lipata ng nabanggit na bayan.

Samantala, napatay naman ng hindi pa kilalang gunman ang suspek na si Henry Bello, mangingisda at kamag-anak din ng mga batang biktima.

Sa inisyal na ulat ng Baleno Municipal Police Station sa ­Police Regional Office 5, naganap ang insidente alas-singko ng mada­ling-araw nang pasukin umano ng suspek ang kuwarto ng mga natutulog na biktima at pagtatagain ang mga ito.

Sa kalagitnaan ng kaguluhan ay isang pu­tok ang narinig at pagkatapos nito ay nakita nang nakabulagta ang suspek na may tama ng bala sa katawan.
Sa ngayon ay ina­alam pa ng pulisya kung sino ang responsable sa pamamaril. (Edwin Balasa)