Abante Tonite Interactive

3 Pinay pinabayaan ng Chinese airline

526

Nakauwi na ang tatlong magkakapatid na retiradong public school teacher matapos ang mahigit isang linggong walang komunikasyon sa kanilang pamilya.

Nabatid na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang magkaka­patid na sina Pacita de Duzman, 77-anyos; Josefina Varela Baysic, 70; at Erlinda Varela Guce, 72, dakong alas-11:30 nang gabi nitong Linggo, dala ang mapait nilang karanasan sa China Eastern Airlines.

Kuwento ng magkakapatid na pawang retiradong guro sa Commonwealth Elementary School, may connecting flight ang kanilang eroplano sa Shanghai, China pero dahil sa sama ng panahon ay nailipat ang kanilang paglapag sa Wuhan, China at tuluyang nakansela ang kanilang pagbalik sa Pilipinas.

“Basta ang sabi, ‘Your flight is cancelled because of the bad weather.’ Pero ‘di naman alam kung kailan kami makakasakay. Hindi sinasabi,” ayon kay De Guzman.

May nakausap umano sila na isang tao na kanilang napakiusapan na magpadala ng mensahe sa mga kaanak nila sa Pilipinas na kanselado ang kanilang pag-uwi. Pero matapos nito ay wala na silang paraan ng komunikasyon sanhi ng hindi na gumagana ang kanilang cellphone dahil nanggaling pa sila sa Amerika kung saan nanatili sila doon ng ilang buwan.

Reklamo ng magkakapatid na wala namang ipinagamit na komunikasyon sa kanila ang China Eastern Airlines para makontak kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas.

Pinatuloy umano sila sa isang hotel pero hindi nagtagal ay pinabalik sila sa airport kahit walang katiyakan na makakasakay sila bilang chance passenger.

Sa airport na lang umano sila nagpapalipas ng magdamag kasama ang napakarami nilang bagahe. Nadiskubre pa nila na marami silang dala na nawala sa kanilang bagahe.

Sa ngayon ay pinag-iisipan umano ng magkakapatid na magsampa ng kaso laban sa China Eastern Airlines dahil na-stranded sila ng halos tatlong linggo sa Wuhan airport.

Wala pang tugon hinggil sa isyung ito ang naturang airline company. (Juliet de Loza-Cudia/Armida Rico)