Abante Tonite Interactive

3 police major sinibak sa kotong

506

Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge, Police Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa ang dismissal order ng tatlong opisyal ng pulis dahil sa umano’y pangongotong ng P5 milyon sa mga bidder ng body camera na kinuha ng ahensiya.

Pinirmahan na kahapon ni Gamboa ang dismissal­ order laban kina Police Major Emerson Sales at Rholly Caraggayan, na ngayon ay parehong Absent Without Official Leave (AWOL) at Angel Beros, na nasa aktibong serbisyo pa.

“Today I will sign their dismissal from service, of course they have ten days to appeal my decision to me, but what do you expect di ba? After that they can appeal at the national appellate board,” paha­yag ni Gamboa sa mga reporter matapos ang ambush interview sa Camp Crame.

Matatandaang nabunyag ang iligal na aktibidades ng tatlong police major matapos ang ginawang expose ng isa sa natalong bidder para sa procurement ng mga body camera.

Bilang chairman ng PNP Bids and Awards Committee, nabisto ni Gamboa na may anomalya nang ma-disqualify ang isa sa walong bidder na nagreklamo sa kanya.

Inamin din ni Gamboa na dahil sa kontrobersiya sa pangongotong ay naantala ang pagbili at delive­ry ng mga body camera na may pondong mahigit P334 milyon. (Edwin Balasa)