Abante Tonite Interactive

3 puganteng Tsino nakorner sa Parañaque, Pasay

253

Tatlong takas na Tsino na wanted sa China­ ang palalayasin ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa mga kasong pang-ekonomiya at pandaraya sa kanilang bansa.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Mo­rente, ang mga dayuhan ay naaresto kamakailan sa Parañaque at Pasay City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng ahensiya.

Inilabas ni Morente ang mission order laban sa mga dayuhan dahil na rin sa kahilingan ng pamahalaan ng China na maipa-deport sa kanilang bansa upang malitis at harapin ang kanilang mga kaso.

Isa sa mga pugante na kinilalang si Xu Xiaojun, 34, ay naaresto noong Nobyembre 20 sa loob ng isang resto sa Airport Road, Baclaran, Parañaque.

Sa impormasyon mula sa mga awtoridad ng Tsino, si Xu ay wanted sa pandaraya sa credit­ card sa marami niyang mga kababayan na milyon-milyong yuan.

Noong Nobyembre 29, dinampot ng mga ahente ng BI-FSU sina Chen Yao Lin, 26, at Lv Mingwei, 33, sa Newport Blvd. sa Pasay City.

Ayon sa Chinese govern­ment, ang dalawa ay sangkot sa internet fraud kung saan ang kanilang mga biktima ay nakunan ng mahigit US$2 milyon. (Mina Aquino)