Abante Tonite
Mabilis sa Balita

3 QC bar pasaway sa protocol kinandado

0 49

Tatlo na namang bar ang ipinasara ng mga tauhan ng Quezon City Business Permit and Licensing Office (BPLO) nitong Miyerkoles dahil sa sinasabing paglabag sa health and safety protocols at public safety hours sa Quezon City.

Ayon kay Ret. Col. Mar Pedroso, hepe ng Enforcement Division ng BPLO, unang ipinasara ang En Route Distillery sa kanto ng Tomas Morato Ave. at Scout Delgado, na pagmamay-ari ng isang Miguel Francisco Barcial.

Aniya, nakunan ng video ang En Route na maraming kostumer na nag-iinuman at bukod sa walang social distancing ay lampas na rin umano sa public safety hours o curfew ang pag-o-operate nito kahit dapat ay hanggang alas-12:00 lamang ng hatinggabi ito nakabukas.

Inihayag din ni Pedroso na pinayagan ang En Route na mag-operate bilang restaurant subalit nabisto nilang nag-o-operate na muli ito bilang bar.

May first warning na umano mula sa Task Force Disiplina ang bar subalit nagtuloy-tuloy pa rin ito at nilabag pa rin ang protocols.

Dahil wala ang may-ari, isang taga-barangay na lang muna ang humarap para saksihan ang pagbibigay ng closure order.

Matapos ang pagpapasara sa En Route, dalawa pang KTV Bar ang inisyuhan ng closure order bandang alas-2:00 ng hapon kahapon.

Mismong si QC Mayor Joy Belmonte ang personal na nagbigay ng closure order laban sa Baia Luna KTV bar sa Timog Avenue at Chaparral KTV bar sa Quezon Avenue dahil bukod sa paglabag umano sa health and safety protocols at public safety hours ay nadiskubreng walang business permit ang mga ito. Kabilang din aniya ang dalawa sa mga sinalakay ng QCPD noong isang linggo dahil sa samu’t saring paglabag matapos na ring mabisto ang presensya ng mga guest relation officer. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.