Abante Tonite Interactive

3 sa ‘Batang City Jail’ pinagbabaril

0 217

Nasawi ang dalawa habang suga­tan ang isa pa na pawang miyembro umano ng Batang City Jail (BCJ) matapos pagbabarilin habang nasa loob ng isang barong-barong kahapon nang madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Namatay noon din sina Herwin Tribidino, 19, ng Baseco Compound, Port Area; at Allan Bautista, 19, helper, ng Tondo dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Inoobserbahan naman sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center si Reynaldo Delposo, 18, ng Port Area dahil sa tama ng bala sa likod.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District – homicide section, alas-kuwatro nang madaling-araw habang nasa barong-barong sa Building­ 15, Temporary Housing, Aroma Compound, Tondo ang mga biktima at mahimbing na natutulog, nang may kumatok sa pintuan.

Pinagbuksan umano ni Bautista ng pintuan ang kumakatok pero bigla na lang silang pinagbabaril bago mabilis na tumakas kasama ang isa pang lalaki, na nagsilbi nitong lookout.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo ng krimen. (Juliet de Loza-Cudia)