Abante Tonite Interactive

3 sa kidnap for ransom group timbog

0 131

Tatlong miyembro ng kidnap-for-ransom group kabilang ang isang Indian national ang inaresto ng pulisya sa magkahiwalay na insidente.

Sa press briefing kahapon sa Camp Crame, pinuri ni PNP chief General Oscar Alba­yalde si Police Col. Jonnel Estomo, hepe ng Anti Kidnapping Group (AKG) ng PNP dahil sa matagumpay na ope­rasyon na ikinaaresto ng wanted na Indian national sa kidnapping at dalawa pang most wanted person.

Kinilala ang suspek na si Joginder Singh alyas Jinder/Kang/Harry, 38, isang Indian national at miyembro ng Goldy Group matapos kidnapin ang biktimang si Anial Kumar Sohal, isa ding Indian sa Biñan City, Laguna noong Agosto 13, 2017.

Sa bisa ng warrant of arrest ay nadakip si Singh nitong Sabado ng mga tauhan ng AKG sa Camalig, Albay.

Nitong Lunes nang umaga naman ay nadakip ng AKG ang mag-asawang Esparidion Alastra, 44, at Saturnina Alastra, 44, dahil sa pagkakasangkot sa dalawang kaso ng kidnap for ransom.

Ang mag-asawa ay responsable sa pagkidnap kay Sofia Faith Geocadin sa Bugac, Sta Cruz, Tagoloan, Misamis Oriental noong Pebrero 22, 2019. (Edwin Balasa)