Abante Tonite
Mabilis sa Balita

3 scammer timbog sa swab test ng 2 biyahero

0 92

Pinosasan ang tatlo katao na gumagawa umano ng mga pekeng RT-PCR test na may negatibong resulta matapos biktimahin ang dalawang biyahero sa Cubao, Quezon City kamakailan.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Antonio Yarra ang mga suspek na sina Bonifacio Bautista Jr., 50-anyos, ng Brgy. E. Rodriguez, Quezon City; Guilma Cadilo, 45, ng Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal; at Alberto Bautista, 22, ng San Joaquin, Iloilo.

Batay sa ulat ni Lt. Col. Elizabeth Jasmin, hepe ng QCPD Cubao Police Station 7, inaresto ang mga suspek matapos na ireklamo nina Junalie Sambayan at Julius Anfone, na nagpa-book online sa Juel Booking para sa kanilang biyahe patungong Iloilo noong Oktubre 18.

Pagsapit umano ng alas-9:00 ng umaga ng Oktubre 19, Martes, sinundo ang mga biktima ng suspek na si Alberto at isinama sa Cambridge St., Brgy. E. Rodriguez sa Quezon City kung saan sila sinabihan umano ni Cadilo na magbayad ng P16,000 para sa kanilang biyahe.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Dakong alas-4:00 nang madaling-araw ng Oktubre 20, Miyerkoles, ibinigay umano sa kanila ni Bonifacio ang COVID-19 RT-PCR Test Report at Certification at sinabihan silang maaari nang bumiyahe.

Subalit pagdating sa paliparan, laking gulat umano ng mga biktima nang sabihan sila ng security guard na peke ang kanilang mga papeles.

Dito na agad humingi ng tulong ang mga biktima sa pulisya na mabilis namang umaksiyon at inaresto ang mga suspek.

Kinumpirma naman umano ng Philippine Red Cross (PRC) sa mga pulis na peke nga ang swab test result na ibinigay ng tatlo.

Nakakulong ngayon ang mga suspek at sasampahan ng kasong estafa at falsification of documents sa piskalya. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.