Abante Tonite Interactive

3 senior citizen nawawala sa China

310

Mahigit isang linggo nang nawawala ang tatlong Pilipino na retiradong public school teacher matapos ang flight layover sa China.

Kinilala ng kanilang mga kaanak ang mga school teacher na sina Pacita de Guzman, 77; Erlinda Varela Guce, 72; at Josefina Varela Baysic, 70, kung saan dapat ay nakabalik na sila sa Manila noong Agosto 10 matapos ang limang buwan na bakasyon sa New York.

Ayon sa kanilang pamangkin na si Flo­rence Guce, ang tatlo ay sumakay sa China Eastern Airlines flight MU211 at dapat na lumipat sa connecting flight papuntang Pilipinas sa Pudong International Airport sa Shanghai.

Gayunman noong Agosto 11, nakigamit ng Viber app si Linda Guce sa kapwa pa­sahero na Pilipino na nakilalang si ‘Alzor’ para ipaalam sa mga kaanak na ang connec­ting flight ay nakansela dahil sa nanalasang bagyo sa China.

Kinabukasan, tinawagan muli ni Florence si Alzor pero sinabi nito na hindi na niya kasama ang tatlong senior citizen at hindi rin niya alam kung saan nakapag-book ng hotel ang tatlo.

Nabigo naman ang pamilya ng tatlo na makakuha ng detalye mula sa China Eastern Airlines sa opisina nito sa Makati.

Noong Agosto 15, ang mga kaanak ng tatlo ay tumawag sa Philippine Consulate sa Shanghai kung saan sinabi sa kanila na hinahanap na ng local police ang kinaroroo­nan ng tatlo na idineklara nang nawawala ng immigration authorities.

Kamakalawa, pumunta ang isang kaibigan ni Florence sa China Eastern Airlines Shanghai office kung saan nalamam nila na ang Flight MU211 ay hindi nag-land sa Shanghai Airport kundi sa Wuhan Tianhe International Airport sa Hubei, China.

Sa record, ang tatlong senior ay nag-book ng flight mula Hubei papuntang Shanghai pero hindi matiyak kung nakakuha sila ng flight.

Ang tatlong babae ay mga dating guro sa Commonwealth Elementary School sa Quezon City at nakapagbiyahe na sa iba’t ibang lugar sa Southeast Asia, pero ito ang unang pagkakataon na sila ay nagpunta sa New York na kanilang pinapangarap na destinasyon.

Nakatakdang dumulog ngayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga kaanak ng tatlong senior para magpatulong. (Juliet de Loza)