Abante Tonite Interactive

3 supplier ng party drugs sa mga millenial timbog

408

Umaabot sa P120,000 halaga ng liquid ecstasy na kilalang ‘deadly party drugs’ at iba pang iligal na droga ang nakumpiska sa isang babae at dalawang lalaki ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Parañaque City, Huwebes ng gabi.

Kinilala ni PDEA Special Enforcement Service Director Levi Ortiz ang nadakip na sina Ma. Karina Esperanza, 22; Vincent Michael Arive Go Bon, 35; at Marc Giancarlo Evora Reyes, 24.

Sa report, unang nadakip si Reyes sa BF Homes bandang alas-8:20 ng gabi (Enero 9) at nakumpiska sa kanya ang pitong botelya ng liquid ecstasy MOL 300 ml na nagkakahalagang P35,000, 2 plastic ng shabu na P60,000 at 100 tableta ng ‘Valium’ (P5,000) at iba pang iligal na droga.

Sa follow-up operation ay sunod na naaresto sina Bon at Esperanza sa parking lot sa Brgy. San Isidro, Parañaque, bandang alas-11:00 ng gabi.

Nakumpiska sa kanila ang dalawang botelya ng liquid ecstacy MOL 200 ml na nagkakahalagang P20,000 at iba pang iligal na droga.

Sinabi ni Ortiz na sa dalawa o tatlong ‘drop’ lamang sa inumin ng liquid ecstasy ay maaari nang ikamatay ng makakainom nito kung saan karaniwang parukyano ng mga suspek ay mga millenial na mahilig gumimik.

“Pag hindi kaya ng katawan mo, that’s fatal puwedeng ikamatay,” giit ni Ortiz.

Nabatid na ang mga suspek ay nagpapadala ng ‘party drugs’ sa pamamagitan ng mga delivery app na siyang masusing iniimbestigahan ng PDEA. (Dolly Cabreza)