Isa sa tatlong holdaper ang bumulagta matapos pumalag at makipagputukan ang mga may-ari ng terminal na kanilang inatake sa Catbalogan City, Samar noong Sabado.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa Grandtours Terminal sa Barangay 3 bandang alas-7:35 ng gabi noong Sabado, ilang metro lang ang layo mula sa himpilan ng pulisya.
Batay sa imbestigasyon, tatlong armadong lalaki ang pumasok sa cashier’s room at nagdeklara ng holdap. Tinangay ng mga suspek ang pera at mga cellphone ng mga empleyado bago tumakas.
Na-monitor ng mga may-ari ng terminal na sina “Jan”, 39-anyos, at “Mik”, 34, ang insidente sa pamamagitan ng CCTV.
Hinabol nila ang mga suspek hanggang humantong sila sa palitan ng putok.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis na nagsasagawa ng briefing para sa checkpoint malapit sa lugar nang marinig nila ang sunod-sunod na putok ng baril.
Idineklarang dead on arrival sa Samar Provincial Hospital ang isa sa mga suspek habang ginagamot ang isa pa na tinamaan din ng bala sa katawan.
Nakatakas naman ang ikatlong suspek at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad. (Issa Santiago)










