Abante Tonite
Mabilis sa Balita

3 suspek sa inambus na doktor timbog, utak nakatakas

0 271

Dinakip ang tatlong suspek habang nakatakas naman ang umano’y mastermind sa pamamaslang kay Dr. Raul Andutan, matapos ang isinagawang operasyon ng pulisya, Biyernes sa Balingoan, Misamis Oriental.

Kinilala ng pulisya ang mga naarestong suspek na sina Jomar Adlao, 30, residente ng Maramag, Bukidnon; Marjun Cabug, 39, residente ng Don Carlos, Bukidnon; at Joel Nacua, 37, residente ng Lilingayon, Valencia City.

Samantala, nakatakas ang isa pang suspek na nakilalang si Rene Turtosa, ang umano’y mastermind sa pagpatay sa doktor.

Base sa sketch report ng Balingoan MPS, nadakip ang mga suspek alas-tres kahapon ng madaling-araw sa P-1 Barangay San Alonzo, Balingoan.

Nakuha mula umano sa mga suspek ang dalawang kalibre .45 baril, mga bala at magazine nito, at isang granada.

Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung ano ang motibo sa pamamaslang sa doktor dahil kasalukuyang sumasailalim sa interogasyon ang mga nahuling suspek.

Matatandaang pasado alas-10:00 ng umaga nitong Huwebes nang pagbabarilin si Dr. Andutan, 62, medical director ng Maria Reyna Xavier University Hospital, sa kahabaan ng 12th Street kanto ng 29th Street sa Barangay Nazareth, Cagayan De Oro City.

Lulan ng kanyang kulay grey na Toyota Fortuner ang biktima at papasok sana sa pinagtatrabahuhang ospital galing ng kanilang bahay sa Barangay Macasandig nang sabayan ng mga suspek na lulan ng motorsiklo at pagbabarilin.

Sa anim na bala ng kalibre .45 baril na ipinutok ng mga suspek, tatlo ang tumama sa leeg at katawan ng biktima na ikinamatay nito. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.