Abante Tonite Interactive

3 suspek sa robbery-holdup todas sa Angeles City

307

Tatlong hinihinalang miyembro ng robbery-holdup group ang napatay ng mga pulis sa isang engkuwentro sa Brgy. Anunas, Angeles City Sabado nang madaling-araw.

Kinilala ni Angeles City Police Office (ACPO) director Col. Narvin Mangune, ang isa sa mga napatay na suspek na si Jerry Soriano Maglente, residente ng Sitio Ipil, Brgy. Pulung Maragul, Angeles City.

Nabigong pangalanan ng pulisya ang dalawa pang napatay na suspek dahil walang identification card ang mga ito.

Abante Hiring – IT dep

Naganap ang engkuwentro dakong alas-kuwatro nang madaling-araw sa Texas St., Villasol Subdivision, Brgy. Anunas.

Bago ang engkuwentro ay nakatanggap ng tawag ang ACPO Tactical Operation Center mula sa isang impormante na may apat na lalaking sakay ng dalawang motorsiklo ang nakitang paikot-ikot sa loob ng nasabing subdivision.

Agad na pinuntahan ng patrol car ang nasabing lugar at nakita ang mga suspek na may dalang flat screen PC monitor. Nang sitahin agad umano na bumunot ng baril ang mga suspek at nakipagpalitan ng putok sa mga pulis.

Dead on-the-spot ang tatlong suspek samantalang nakatakas naman ang isa pa nilang kasamahan.

Ayon kay Mangune, may standing warrant of arrest si Maglente dahil sa kasong robbery-holdup at No. 2 most wanted person sa Angeles City.
Narekober mula sa mga suspek ang isang 9mm caliber pistol, dalawang 38 caliber revolver at mga bala.

Nakumpiska rin sa mga napatay na suspek ang 11 plastic sachet ng shabu, dalawang plastic sachet ng marijuana, isang flat screen monitor at isang kulay itim na Suzuki motorcycle na walang plaka. (Rudy Abular)