Abante Tonite
Mabilis sa Balita

3 trabahador napugutan sa landslide

0 64

Patay ang apat na katao matapos matabunan ng gumuhong lupa sa isang construction site kung saan tatlo sa mga ito ay sinasabing napugutan pa ng ulo sa Brgy. Tiblac, Ambaguio, Nueva Vizcaya noong Biyernes ng umaga.

Kinilala ng Ambaguio Police Station ang mga biktima na sina Rafael Villar, 42, at John Retamola, 25, parehong taga-Brgy. Ibung, Villaverde, Nueva Vizcaya; Christopher Padua, 38, ng Brgy. Sta. Rosa, Bayombong; at Carlos Tome ng Purok 7, Brgy. Bonfal East, Bayombong.

Sa ulat kay Nueva Vizcaya provincial police director Col. Ranse Evasco, naganap ang trahedya dakong alas-8:32 ng umaga habang naghuhukay ang mga biktima para sa gagawing slope protection wall ng kalsada.

Sa kanilang paghuhukay, biglang gumuho ang lupa mula sa itaas ng ginagawang proyekto at natabunan ang mga biktima.

SM food to go Banner Ad

Ayon sa pulisya, hindi na nagawa pang umiwas ang apat na biktima dahil sa bilis ng pangyayari at natabunan sila ng gumuhong lupa sa loob ng hinukay nilang butas para sana sa pundasyon ng nasabing erosion wall sa bahagi ng Sitio Naduntug.

Sa paghuhukay sa katawan ng mga biktima, natamaan ng backhoe ang tatlo at napugutan pa ng ulo.

Sa salaysay naman ng backhoe operator na si Lyndon Ocay, 45, mabilis siyang nakatakbo ng iba pa niyang kasamahan subalit ang apat na biktima na nasa mahigit limang metrong lalim ng hukay ay agad natabunan ng lupa. (Allan Bergonia/Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.