Abante Tonite
Mabilis sa Balita

3 tsuper tinodas padyak boy

0 166

Yumao ang isang pedicab driver makara­ang harangin ng tatlong tricycle driver at pinag­tulungang bugbugin bago binaril sa ulo sa Quezon City, Martes ng gabi.

Ang biktima ay na­kilalang si Jayson Cruz, 37, may live-in partner, pedicab driver, at resi­dente ng Villareal St., Brgy. Gulod, Novali­ches, QC.

Agad namang na­dakip ang suspek na si Mark Angelo Diño, 32, binata, tricycle driver, ng Calderon St., Brgy. Sta. Lucia, Novaliches, habang tinutugis pa ang mga kasamahan niyang nakatakas na sina Joel Ilagan, at alyas ‘Jun Jun Directo’.

Sa report ng CIDU-QCPD, bandang alas-9:00 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa San Luis St., kanto ng Villareal St., Brgy. Gulod.

Batay sa imbesti­gasyon ni Pat. Nestor Ariz Jr., sakay ang bikti­ma ng kanyang pedicab nang sumulpot sa dara­anan niya ang mga sus­pek na pawang sakay ng tricycle na may plakang TY3981.

Nagsibabaan ang mga suspek sa tricycle at hinatak palabas ng pedicab ang biktima saka pinagtulungang bugbugin.

Hindi pa umano nakuntento ang mga suspek, at isa sa kanila ang bumunot ng baril at malapitang pinaputu­kan sa ulo ang nakabu­lagta nang si Cruz, saka nagsitakas ang nauna.

Sa follow-up opera­tion ng mga operatiba ng Novaliches Police Station 4 na pinamunuan ni P/SMS. Reynaldo Mones, naaresto si Diño habang sakay ng tricycle na ginamit nilang get-away at nagpapagasolina sa Sea Oil sa Quirino Highway, sa lungsod.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang mo­tibo sa pamamaslang sa pedicab driver. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.