Abante Tonite
Mabilis sa Balita

30 haybol nasunog, 2 nalapnos

0 146

Nalapnos ang katawan ng dalawa-katao matapos tupukin ng apoy ang nasa 30 kabahayan sa Barangay Bagong Pagasa, Quezon City, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Emmanuel Gaba, 39, na nagtamo ng first degree burn sa braso at magkabilang paa at Delia Buatro, 61, na nagtamo naman ng sugat sa hita.

Sa ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP), alas-6:07 ng gabi nang itawag sa Project 6 Fire Station ang nagaganap na sunog sa tahanan sa 87E Rd. 16 Brgy. Bagong Pag-Asa, na pagma-may-ari ng isang Charlie Dacuyan at inookupahan naman ng isang ‘Edgar.’

Ayon sa mga bumbero, dahil dikit-dikit ang mga bahay at pawang gawa sa light materials ay mabilis umanong kumalat ang apoy sa mga katabing tahanan.

Nahirapan din ang mga pamatay-sunog na pasukin ang lugar dahil sa sikip ng mga eskinita. Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-7:40 ng gabi.

Tinatayang nasa 60 pamilya ang naapektuhan ng sunog at karamihan sa mga residente ay halos walang naisalbang gamit.

Patuloy pang inaalam ang sanhi ng sunog. (Dolly B. Cabreza/Riz Dominguez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.