Abante Tonite Interactive

30 milyong estudyante makikinabang sa fare discount law

194

Tinatayang aabot sa 30 milyong estudyante ang makikinabang sa oras na maipatupad ang Student Fare Discount Law na nauna nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Senador Juan Edgardo Angara.

“Araw-araw ay bumibyahe ang mahigit sa 30 milyon na estudyante mula sa elementarya hanggang sa kolehiyo kaya napakalaking bagay ang pagpasa ng batas na ito para sa kanila at sa mga pamilya nila,” pahayag ni Angara, co-author at sponsor ng nasabing batas.

Nilagdaan ng Pangulo ang batas noong Abril 17 at hinihintay na lamang ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito para masimulan na ang implementasyon.

Sa ilalim ng batas na ito, 20% discount ang ibibigay sa lahat ng estudyante sa lahat ng uri ng transportasyon panglupa, tulad ng jeep, bus, UV Express, taxi at TNVS, gayundin sa mga sasak­yang pantubig at riles, kagaya ng Metrol Rail Transit, Light Rail Transit at Philippine National Railways.

Kailangan lang ipakita ng mga estudyante ang kanilang valid ID para maka-avail na nasabing discount. (Dindo Matining)