Abante Tonite
Mabilis sa Balita

30% sa pondo ng mga gov’t agency gagamitin vs COVID

0 231

Dahil nasagad ang pondo ng gobyerno sa epekto ng COVID-19, ipinababalik ng Malacañang ang 30% sa pondo ng bawat ahensiya para magamit sa pagtugon sa problema ng pandemya.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na inatasan na ang lahat ng departamento ng gobyerno kaya walang pagpilian kundi sumunod sa direktiba.

Kailangan aniyang maghigpit ng sinturon dahil wala namang nakakaalam na darating ang ganitong pagsubok hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

SM SuperKidsDay Banner Ad

“Lahat ng departamento eh ipinabalik sa National Treasury, kung hindi ako nagkamali up to 30% sa lahat ng kanilang budgets para pondohan ang COVID,” ani Roque.

Nabatid na buwan ng Abril pa lamang ay naglabas na ng direktiba ang Department of Budget and Management (DBM) sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na magtipid at maghigpit ng sinturon dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sinabi naman ni Roque na tutugon sila sa direktiba pero hindi sinagot kung kasama sa ibabalik nila ay ang bahagi ng malalaking sahod at allowance ng ibang mga opisyal ng gobyerno na may ranggong undersecretaries at assistant secretary.

Matatandaang nagboluntaryo ang mga miyembro ng gabinete na i-donate ang bahagi ng kanilang sahod hanggang Disyembre para magamit sa pagtugon sa problema sa COVID-19.(Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.