Abante Tonite Interactive

3,000 jobless natulungan ng DOLE

313

Iniulat ng Department of Labor and Employement (DOLE) na umabot sa 2,818 aplikante ang nakahanap ng trabaho noong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan.

Pinasalamatan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang lumahok na 560 employer, na nag-alok ng 68,893 trabahong lokal at sa ibang bansa, sa kanilang pakikibahagi sa ginanap na job fair sa buong bansa, kung saan kanyang sinabi na “ito ang patunay na sila ay nakikipagtulungan sa mga pagpupunyagi ng pamahalaan na mabigyan ang bawat Filipino ng di­sente at produktibong trabaho.”

Sa ulat ng Bureau of Local Employment, 21,722 aplikante ang nagpunta sa 22 Trabaho, Negosyo, Kabuha­yan (TNK) job and business fair sa buong bansa bilang paggunita ng ika-122 taon ng Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Ang resulta, 2,818 aplikante ang hired-on-the-spot, bukod pa sa 9,327 aplikante na ‘near-hires.’

Ang ‘near hires’ ay ang mga aplikante na tinutu­ring na natanggap na sa trabaho, ngunit kinakailangan pang mag-sumite ng karagdagan o may kulang na dokumento o kinakailangan pang sumailalim sa karagdagang interbyu o pagsusulit.

Maaari silang matanggap sa trabaho depende sa magiging resulta ng kanilang interbyu at pagsusumite ng dokumento na kailangan ng kompanyang kanilang papasukan.

Kabilang sa mga hired-on-the spot sa job fair sa San Andres Sports Complex, Malate, Manila ay sina Mark Neo, Ludovico Sison, Rachelle Fortuno, Elsha Espallardo, at Erwin Verdijo.

Ang mga mapalad na aplikante ay patungong Qatar at magtatrabaho bilang butcher (Neo at Sison), baker (Fortuno), cashier (Espallardo), at sales associate (Verdijo) sa pamamagitan ng CDK International Services Corporation. (Mina Aquino)