Abante Tonite Interactive

30th SEA Games eSports seminar sa Marriot Hotel

LEVEL UP!

241

Pag-uusapan ng mga pangulo ng bawat kasa­ling asosasyon na miyembrong bansa sa Southeast Asia Games Federation ang magiging direksiyon at polisiya sa unang pagsasagawa sa multi-sports ng electronic sports o eSports.

Nakatakdang magsama-sama ang 11 bansa na kalahok sa 30th SEA Games 2019 sa darating na Marso 6 at 7 sa Marriot Hotel upang pag-usapan ang mga bagay na ipatutupad upang maayos maidaos sa kada dalawang taong torneo ang mga paglalabanang iba’t ibang disiplina sa e-Sports.

Napag-alaman ko kahapon kay Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Executive Director Ramon Suzara, na nakahandang ipormalisa sa okasyon ang pagbuo ng kanilang grupo na mamahala rin at magdedesisyon upang maipagpatuloy ang pagsasagawa ng eSports bawat edisyon ng SEA Games.

Magbubuhat ang mga dadalo sa Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Timor-Leste, Vietnam at host Pilipinas sa dalawang araw na pulong.

Ipinaliwanag ni Suzara na posible ring desisyunan ang ikaanim at huling eSports na makakasama ng limang iba pang laro na una nang pinangalanan na babalangkas sa laro kasama ang Team Razer.

Ang limang game titles ay ang Dota 2, Starcraft 2, Tekken 7, Mobile Legends: Bang Bang, at ang Arena of Valor.

Inaasahang mapopormalisa din sa miting ng mga eSports national association president kung saang lugar ang paggaganapan ng anim na event ng popular na sports ngayon sa buong mundo at kinikilala ring millenial sport.

Sana lamang ay agad na maihayag ng pormal ng asosasyon ang mga hinihintay na resulta at desisyon kung ano ang ikaanim at huling laro na paglalabanan, at kung saang lugar gaganapin ang lahat ng mga laro dahil matagal na rin na itinatanong sa inyong abang lingkod ang mga ito.

Pero patuloy po akong walang maitugon.