Abante Tonite Interactive

32 kinasuhan sa coronavirus fake news

300

Umabot na sa 32 katao ang kinasuhan ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pagpapakalat ng fake news kaugnay ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa ulat ng PNP kahapon, Lunes, 24 na suspek ang inaresto ng Anti-Cybercrime Group (ACG) dahil sa pagpapakalat ng fake news sa social media habang ang walong iba pa ay dinakip naman ng mga Police Regional Office (PRO) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Ayon sa ACG, mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code na inamyendahan ng Section 4c4 (online libel) at Section 6 ng Republic Act No. 10175 o Anti-Cybercrime Law.

Dagdag pa ng ACG, mayroon na silang 32 isinampang reklamo o preliminary investigation kung saan 17 sa mga kaso na ang naisampa habang isa sa mga suspek ang patuloy na pinaghahanap mula sa Zamboanga Peninsula.

Kabilang sa mga naarestong suspek sa pagpapakalat ng fake news ay mula sa Quezon City, Eastern Visayas, Central Visayas, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas. Zamboanga Peninsula, gayundin sa Caraga Region.

Kaugnay nito, nagbabala si ACG chief Brig. Gen. Dennis Agustin sa mga social media user na huwag magpakalat ng fake news lalo na sa COVID-19 pandemic na ikinababahala ng mga tao dahil seryoso ang kanilang ahensya na habulin at kasuhan ang mga ito.(Edwin Balasa)

Tonite – Wendys Inhouse Ad