Abante Tonite Interactive

32K sinuwitik ng buntis, lover sa department store

433

Inaresto ang 4-buwang buntis na ginang at kanyang kinakasama makaraang mahuling tumangay umano ng mga paninda sa loob ng isang kilalang department store nitong Lunes ng gabi sa Pasay City.

Sa report ni Police Lt. Allan Valdez, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch, dinakip ng security guard ng mall sina Ciara Escasinas, 35-anyos at Julius Francisco, 35, ng 44 Brgy. Lawa, Obando, Bulacan habang papa­labas na ng department store dakong alas-9:30 ng gabi.

Nakuha sa dalang eco-bag ng dalawa ang iba’t ibang uri ng branded na sapatos at tsinelas na nagkakahalagang P32,000.00 na kanilang tinangay sa loob ng nasabing pamilihan nang hindi man lang dumaan sa alinmang counter.

Sa imbestigasyon, nagsasagawa ng routine inspection si Alvin Ga­nueta nang mapansin niya ang kinakasama ng ginang na isinisilid sa dalang eco-bag ang mga mamahaling sapatos at tsinelas at patay-malisyang nag­lakad palabas ng ­department store.

Bago tuluyang makalayo, sinita ni Ganueta ang dalawa at hiningi ang resibo. Nang walang maipakita, dinakip ang dalawa. Isinailalim na sila sa pagdakip ng mga security officers.

Ayon kay Lt. Valdez, online seller si Escasinas at inamin niya na ibinebenta niya at ng kinakasama ang mga natatangay na paninda sa online. (Armida Rico)