Abante Tonite Interactive

34 bebot ni-recruit, kinulong sa apartment

By
999

Nasagip ng mga pulis sa loob ng may dalawang palapag na apartment sa San Andres Bukid, Maynila ang 34 na babae na kinulong umano ng kanilang recruiter habang naghihintay ng biyahe papuntang Gitnang Silangan para magtrabaho bilang domestic helper.

Dakong alas-9:30 ng gabi nitong Biyernes nang salakayin ng mga tauhan ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang isang apartment sa 14th Street, San Andres Bukid.

Nabatid na ang mga babaeng may edad na 23 hanggang 37 taong gulang ay ni-recruit pa mula sa iba’t ibang lalawigan at magkakasamang natutulog sa dalawang kuwarto sa itaas at ibaba ng apartment ng I Employ Manpower Service na pag-aari diumano ng isang “Mam Eva”.

Abante Hiring – IT dep

Sinalakay ang apart­ment matapos na mag­reklamo umano ang da­lawang recruit na sina Genevieve Romo, 37-anyos, tubong Da­vao del Norte at Julie Candelario, 23-anyos, taga-Rodriguez, Rizal dahil sa ginagawa ng caretaker ng apartment na kinila­lang si Nenia Dumanon, 46-anyos, na kinakandado sila sa kuwarto.

Naghihintay umano ng kanilang paglipad papuntang Jordan, Saudi Arabia at Qatar ang mga babae na pinangakuan ng suweldong $400.

“Kapag umayaw ka na, pagbabayarin ka nila sa pag-stay mo du’n pati pagkain, pero kung maghihintay ka hanggang makaalis libre naman, kaya lang pina-padlock nila kami,” ayon kay Carla, ‘di tunay na pangalan, na kabilang sa mga babaeng nasagip.

Nakatakdang sampahan ng MPD-GAIS ng kasong illegal detention si Dumanon sa Manila Prosecutor’s Office.