Abante Tonite Interactive

34th Edsa People Power nilangaw

810

Tila nalimutan na ng sambayanan ang selebras­yon ng ika-34 na taong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution makaraang kakaunti lamang ang nagtungo sa EDSA Shrine nitong araw ng Martes.

Kahit walang pasok sa paaralan ang mga estudyante at ilang manggagawa sa kanilang trabaho dahil sa holiday ay mabibilang lang ang nakiisa sa anibersaryo, hindi tulad ng mga unang taon ng pagdiriwang na dinudumog ng publiko lalo na ang mga kilalang tao sa gobyerno.

Idinahilan na lamang ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na kaya kaunti ang bilang ng mga makikilahok sa selebrasyon ay dahil sa pangamba sa coronavirus disease (COVID-19).
Nabatid na simpleng flag-raising ceremony lamang ang inihanda sa EDSA People Power Monument.

Ayon sa NHCP, ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay ‘EDSA 2020: Kapayapaan ng Bayan, Simbolo ng Kalayaang Ipinaglaban’.

Sa panig naman ng seguridad, maaga pa lamang ay naka-deploy na ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa palibot ng EDSA para matiyak ang kaligtasan ng mga dumalo sa selebrasyon.

Kasama sa nagbigay ng seguridad sa selebrasyon ay si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Police Major General Debold Sinas.

Wala namang naitalang kaguluhan o anumang insidente sa pagdiriwang at hindi rin nagkaroon ng masikip na daloy ng trapiko sa EDSA dahil sa kakaunti lamang ang dumalo. (Dolly Cabreza/Vick Aquino)