Abante Tonite Interactive

35 drum ng toxic waste tinapon sa Bulacan

367

Dalawa katao ang dinakip ng pulisya makaraang mahuli sa aktong iligal na nagtatapon ng mga dumi o toxic waste na nakalagay sa 35 drum na nakakarga sa 6-wheeler truck at nagdidiskarga ng dumi sa remote area ng Barangay Poblacion, Pandi kamakalawa.

Sa report ni Police Maj. Joy Placido, Pandi police chief, kay Police Col. Lawrence Cajipe, acting­ provincial director ng Bulacan PNP, nakilala ang naarestong sina Romeo Cruz, dumpsite caretaker at Roberto Diela, helper na kapwa nakakulong ngayon habang nakatakas ang kasamahan nilang drayber.

Nabatid na kamakalawa ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang tanggapan ni Police Maj. Placido hinggil sa kahina-hinalang behikulo na nakahimpil at nagtatapon ng dumi sa Brgy. Poblacion, Pandi kaya kasama ang KALIGKASAN volunteer na binubuo ng mga barangay tanod ay napigil nila ang pagtatapon ng toxic waste sa nasabing lugar na nanggaling sa Pasig at mahuli sa aktong nagtatapon ng dumi.

Dito nasabat ng awtoridad ang isang aluminum van na 6-wheeler truck na may plakang WNU-358 na may kargang 35 na drum, na may kargang kinolektang domestic, industrial at commercial waste (toxic chemical).

Nang walang maipakitang papeles na puwede silang magtapon ng dumi sa lugar ay inaresto ang dalawang suspek at nahaharap ngayon sa kasong Violation of RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000. (Jun Borlongan)