Abante Tonite Interactive

36 estudyante naratay sa nalanghap na kemikal

0 151

Isinugod sa ospital ang 36 na estudyante ng Gadu National High School (GNHS) matapos makalanghap ng usok ng isang kemikal dahilan upang mahilo ang mga ito at ang ilan ay hinamatay sa Solana, Cagayan noong Martes.

Ayon kay Solana Police Station (SPS) officer PSSg. Joffrey Mabanat, ang mga biktima ay pawang mga Grade 12 ng GNHS.

Sa inisyal na imbestigasyon, nakalanghap ng usok ang mga estuyante galing sa hindi pa mabanggit na lugar.

Sinabi ni Mabanat na agad na dinala ang mga estudyante sa isang pribadong pagamutan sa Tuguegarao City kung saan dalawang babae na lamang ang inoobserbahan.

Ayon pa kay Mabanat, nang magtungo ang kanilang hanay sa lugar ay wala naman umanong kakaibang bagay at wala ring laboratory room na maaring pagmulan ng kemikal.

Dahil dito, ayon sa SPS, maaaring mula rin sa mga estudyante ang naturang kemikal na naamoy ng mga biktima.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya para mabigyang linaw ang kaso. (Allan Bergonia)