Abante Tonite Interactive

360 degrees turn around?

By
7

Nakapanghihinayang na ang mga nakamit sa pag-uusap sa pagitan ng administrasyong Duterte at ng National Democra­tic Front/Communist Party of the Philippines/New People’s Army (NDF-CPP-NPA) ay mabubura dahil sa ‘Proclamation 360’.

“Three hundred ­sixty degrees” na pinihit ng proklamasyon ang lahat ng mga nakamit o ‘gains’ tungo sa paglagda at pagkakaroon ng ‘final peace agreement’.

Kawalan ng sinseridad ng mga ‘rebeldeng komunista’ ang dahilan kung bakit kumambiyo si PDu30, hindi lang sa pinakamababang ‘gear’ kundi ‘360 degrees’ na pumihit.

Sa pagpihit na ito ay kaakibat ang bantang mala­wakang ‘crackdown’ sa mga miyembro ng armadong grupo at mga taga­suporta ng kilusang komunista.

Sana ang mga ‘peaceniks’ sa gabinete ay mu­ling makumbinsi si PDu30 na huwag tuluyang isara ang pintuan para sa usapang pangkapayapaan.

Ang malungkot at mapait na karanasang resulta ng problema ng ‘communist insurgency’ ay hindi na dapat pang maulit.

***

Balik na ulit sa mga pulis ang pagtugis sa sindikato ng iligal na droga.

Napundi si PDu30 sa sunod-sunod na karu­mal-dumal na krimen na ang mga kriminal ay ­naka-shabu.

Nangangahulugan ba ito na nasa ‘killing spree’ na naman ang mga parak?

Maganda na ang sikad ng PDEA sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga, kaya lang, nasalisihan ng mga ‘high profile crime’ tulad ng isang ‘bank employee’ na hinalay at pinatay ng mga lulong sa droga.

‘Wag na sanang tumaas ang humupa nang tensiyon sa pagitan ng PNP at Commission on Human Rights (CHR) sa desisyong ito ng Mala­cañang.

***

Abala ngayon ang isang ‘Technical Working Group’ sa Kamara sa panukalang pagbubuwag sa Philippine Sports Commission (PSC).

Napapanahong silipin ang operasyon ng PSC. Nakatutugon ba talaga ito sa ‘sports development’ ng bansa?

Sa halos tatlong dekada ng pagkakatatag ng PSC, gumanda ba ang Philippine sports, at mga pasilidad?

Ano ang estado ng ‘national sports program, pagsasanay ng mga atleta at mga trainor?’

Bilang manlalaro ng ‘pingpong’, saksi ako sa paghihirap at pagkukumahog ng magagaling na­ting ‘pingpong players’ sa paghahanap ng ‘pondo’ para makapaglaro sa ‘international events’.

‘Pag tinanong mo kung may suporta mula sa PSC, dedma lang.

Ang atletang Filipino, bago suportahan ay dapat mag-“self-­supporting” muna. ‘Pag sikat na at saka papapel ang PSC.

Dapat lang buwagin ang ahensiyang ito.