Abante Tonite Interactive

368 pulis magbabantay sa Bilibid

147

Tutulong sa Bureau of Corrections (BuCor) ang 368 pulis mula sa Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para maiwasan ang korapsyon lalo na sa mga jail guard sa New Bilibid Prison (NBP)

Pinangunahan ni NCRPO acting­ chief Police Brig. General­ Debold Sinas ang send off cere­mony sa mga bumubuo ng reactionary unit ng RMFB at pinaalalahanan ng panuntunan na dapat iwasan partikular sa maximum security compound ng NBP.

Kabilang sa mga tinukoy ni Sinas na dapat sundin ang pagbabawal sa mga cellphone o anumang electronic gadget at ang pagsusuot ng mga alahas habang naka-duty, pagsusuot ng tamang uniporme, pag-account sa mga personnel bago i-deploy at tamang pagpapalit ng shifting.

Bawal ding makipag-usap o makihalubilo ang lahat ng mga itinalagang personnel sa mga bilanggo sa NBP maliban na lamang kung hinihingi ng pagkakataon.

Matatandaan na 4 police officer na kabilang sa 551 mga pulis na nauna nang itinalaga bilang augmentation force sa NBP ang nasangkot sa pagpapasok ng mga kontrabando sa pangunahing piitan ng bansa. (Edwin Balasa)