Abante Tonite Interactive

37 binitbit sa anti-crime operation ng Bulacan PNP

632

Tatlumput-pitong katao kabilang ang 11 wanted person at siyam na drug suspek ang nalambat sa anti-criminality operation na isinagawa ng pulisya sa tatlong siyudad at 21 bayan sa Bulacan.

Base sa isinumiteng report kay Colonel Lawrence Cajipe, acting provincial police director sa Bulacan nagsagawa ng serye ng anti-illegal drug operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa mga bayan ng Bocaue, Marilao, San Rafael, Balagtas, Plaridel at San Miguel kamakalawa ng gabi na nagresulta sa pagkakadakip sa siyam na tulak ng droga na pawang nasa watch list,

Nabatid na isinailalim sa isang linggong surveillance operation ang mga nasabing bayan.

Ayon sa report, umabot sa 40 pakete ng shabu ang narekober ng mga awtoridad sa sunod-sunod na operasyon laban sa iligal na droga sa nasabing mga lugar makaraang makumpirmang napipilitang magbenta ng droga ang mga tulak dahil sa pinatutupad na quarantine sa lahat ng mga bayan at siyudad sa lalawigan.

Samantala, nagsagawa rin ng manhunt operation ang tracker team ng Bulacan police sa mga most wanted person sa lalawigan na nagresulta sa pagkakadakip sa 11 wanted sa mga bayan ng Marilao, Meycauayan City, Pandi, Pulilan, San Miguel, San Rafael, at San Jose del Monte City.

Mayroong arrest warrant ang mga ito para sa mga kasong talbog na tsekem robbery, qualified theft, at serious physical injuries.

Labing-walong katao naman na pasaway sa enhanced community quarantine ang dinampot habang nagsusugal sa isinagawang anti-gambling operation sa mga bayan ng Pandi, Angat, at San Jose del Monte City.

Kaugnay nito, tiniyak ng Bulacan provincial police office na higit pa nilang palalakasin ang kampanya laban sa droga at kriminalidad sa probinsya sa mga susunod na araw habang pinapatupad ang enhanced community quarantine. (Jun Borlongan)

Tonite – Wendys Inhouse Ad