Abante Tonite Interactive

37 OFW sa Saudi umuwi

0 471

Sinalubong kahapon ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hanz Leo Cacdac ang pagdating ng 37 na mga distressed overseas Filipino worker (OFW) mula sa Riyadh, Saudi Arabia nang dumating ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.

Dakong alas-10:30 nang umaga nang dumating ang mga nasabing OFW sakay ng Philippine Airlines flight PR 655.

Paglabas sa eroplano ang mga OFW ay inalalayan sila sa pagproseso ng kanilang mga dokumento sa check-in counter ng Bureau of Immigration.

Ikinagalak naman ng mga nabanggit na OFW na nakauwi na sila sa Pilipinas at nagpasalamat sa tulong na ipinagkaloob sa kanila ng gobyerno katulad ng ayudang pinansiyal upang makapagsimula ng hanapbuhay para sa kanilang mga pamilya.

Sinabi ni Cacdac na marami pang distressed OFW ang hindi pa nakakauwi dahil pinoproseso pa ang kanilang mga dokumento sa Saudi Arabia para makabalik sa Pilipinas. (Armida Rico)