Abante Tonite Interactive

38% umento sa sahod sigaw ng mga titser

By
1,404

Tatlumput walong porsyentong umento sa sweldo ang inihirit ng isang grupo ng mga guro sa pamahalaan dahil kulang umano at hirap na silang mag-budget upang makaagapay sa patuloy na pagtaas ng antas ng pamumuhay sa bansa.

Sa ginanap na ‘Run for Teachers’ Rights and Sovereignty,’ na idinaos sa paligid ng University of the Philippines (UP) Diliman Campus, sa Quezon City, dakong 7:00 ng umaga kahapon ay umapela sa pamahalaan ang mga miyembro ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa National Capital Region (NCR) at hiniling na mula sa kasalukuyang P21,000 sahod ay bigyan sila ng dagdag-sahod na 38 porsiyento o hanggang P29,000.

Ayon kay Jocelyn Martinez, pangulo ng ACT-NCR Union, gawin sanang prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtataas sa kanilang sahod, matapos na ipag-utos nito na doblehin ang sahod ng mga pulis at sundalo, simula noong Enero ng taong ito.

Ang naturang pagtitipon na dinaluhan rin ng mga volleyball players ng UP, ay sinamantala ng mga guro upang maipaabot sa paamahalaan ang kanilang mga kahilingan, sa pamamagitan nang pagsasayaw, paghiyaw at pagtakbo.

Ayon kay Martinez, kinakapos ng mga pangangailangan ang kanilang pamilya dahil sa patuloy na pagtaas ng bayarin at bilihin.

“Halos lahat ay tumataas, kaya kami naglalambing sa ating pamahalaan na itaas din sana ang suweldo ng mga guro para makasabay sa kasalukuyang antas nang pamumuhay,” giit ni Martinez. (Dolly B. Cabreza)