Abante Tonite Interactive

3K trabaho ayuda sa mga nasalanta ni Usman

379

Tinatayang nasa 3,000 manggagawang naapektuhan ng bagyong Usman sa rehiyon ng Bicol ang mabibiyayaan sa emergency employment assistance ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay DOLE Sec. Silvestre Bello III, naglaan ang ahensiya ng inisyal na P10 milyon na ibibigay sa mga nawalan ng trabaho at kanilang pamilya bilang panandaliang suportang kita.

Ang tulong sa pagtatrabaho sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Layunin ng ahensiya na magbigay ng agarang tulong sa mga apektadong manggagawa sa pamamagitan ng 10-araw na gawain sa komunidad na may minimum na suweldo na P305 kada araw.

Sinabi pa ng kalihim na gumagawa na ng ulat ang DOLE ukol sa mga manggagawa mula sa prayoridad tulad ng Sagñay, Camarines Sur at Tiwi, Albay upang higit pang maabot ang mas maraming naapektuhan ng kalamidad.