Abante Tonite Interactive

4 babaeng holdaper umiiskor sa Caloocan

0 436

Pinag-iingat ngayon ng pulisya ang mga commuter dahil sa pambibiktima ng grupo ng mga kababaihang hol­daper sa Caloocan City.

Ito ay matapos holdapin ng astig na mga babaeng holdaper sina Jefferson Perez, 31-an­yos, waiter at Julie Ann Garcia, 31, kapwa taga-Malabon City.

Sa salaysay ng dalawang biktima kay P/Lt. Col. Ferdie Del Rosario,
assistant chief of police for administration, Sabado ng alas-9:30 nang gabi, nakasakay umano sila sa pampasaherong jeep sa Samson Road, Monumento, Caloocan City papuntang Malabon City.

Sila lang dalawa ang pasahero nang biglang sumakay ang apat na babae na magkakalayo ng inupuan.

Lumapit ang tatlong suspek kina Perez at Garcia saka bumunot ng patalim at nagpahayag ng holdap. Ang isa namang babae ay umantabay at pumuwesto sa likod ng driver.

Sa takot ng mga biktima, napilitan ang mga itong ibigay ang kanilang mga cellphone na aabot sa P25,000 kapag pinagsama. Tumataginting na P15,000 cash din ang nakulimbat kay Perez at pagdaka’y sabay-sabay nagbabaan sa Samson Road, Caloocan City ang apat.

Kaagad na humingi ng tulong sa Caloocan police ang mga biktima at sa follow-up operation ay dito na naaresto ang isa sa apat na holdaper na si Faye De Los Santos, ng Santa Ana, Manila.

Inamin din ni De Los Santos na kasamahan niya ang tatlo pang nakatakas at target ng mga itong holdapin ang mga kababaihan, matanda at estudyante. (Orlan Linde)