Abante Tonite Interactive

4 batang mag-aaral suma-sideline sa pang-aagaw cellphone

By
0 120

Arestado ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang limang miyembro ng ipit gang kabilang ang apat na estudyanteng pa­wang nasa edad 14-15 matapos biktimahin ang isang mag-aaral ng University of Sto. Tomas (UST) kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.

Nasa kustodiya ng MPD Police Station 4 ang suspek na si Danilo Leonido, 20-anyos, taga-730 Algeciras St., Sampaloc habang dinala naman sa Department of Social Welfare and Development-Reception Action Center (DSWD-RAC) ang apat na menor de edad kung saan ang tatlo ay sinasabing estudyante ng Alternative Learning System (ALS).

Ayon kay MPD-PS 4 ­station commander P/Supt. Robert Domingo, naganap ang insidente dakong alas-9:10 ng gabi sa may ­Santander St., Sampaloc.

Ayon sa biktimang si ­Patricia Ann Recto, 21-anyos, estudyante ng UST, nag-aabang umano siya ng masasakyang jeep sa lugar at abala sa paggamit ng cellphone nang biglang lumapit si Leonido at pilit na inagaw ang kanyang cellphone.

Isa naman sa apat ang nagsilbing lookout habang inipit naman siya ng tatlo pang batang estudyante.

Pagkakuha sa pakay ay naglakad na palayo ang grupo. Nagsisigaw at nagpasaklolo naman ang biktima at tiyempong nagpapatrolya ang pulis sa University Belt area kaya nakorner ang limang suspek.

Nabawi naman ang cellphone ng biktima habang binitbit sa presinto ang mga suspek.