Abante Tonite
Mabilis sa Balita

4 Binondo store pinasara sa address na `province of China’

0 167

Kinandado ng Bureau of Permit Licensing Office (BPLO) ng Manila City Hall ang apat na cosmetic store sa Binondo na sinita dahil sa pagbebenta ng mga beauty product kung saan nakasaad sa label o tatak nito ang address na “Manila Province, P.R. China”.

Nabatid na bandang alas-3:30 ng hapon nang salakayin ng mga tauhan ng BPLO at Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team ang dalawang establisimiyento sa may F. Nicolas St., Binondo at ang stall IE21 at 22 sa loob ng Divisoria Mall.

Subalit pawang nakasara naman ang mga pinuntahang puwesto kaya minabuti ni BPLO chief Levy Facundo na lagyan ang mga ito ng closure order.

Sinabi ni Facundo na hindi pa nila tukoy ang may-ari pero base sa permit ay isa lamang ang may-ari ng mga naturang puwesto.

Ayon kay Facundo, hindi maaaring buksan ang mga nasabing puwesto hangga’t hindi nakikipag-ugnayan ang may-ari sa BPLO.

Nabatid na inutos ni Mayor Isko Moreno na isara ang mga nasabing tindahan ng mga beauty product matapos sitahin ni Cong. Jericho Nograles ang label sa isang beauty product kung saan nakasaad sa address nito na ang Maynila ay isang probinsya sa China. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.