Abante Tonite
Mabilis sa Balita

4 Chinese timbuwang sa P3B drug bust

0 65

Nasawi ang apat na Chinese national na umano’y drug traf­ficker habang mahigit P3.4 bilyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isinagawang joint anti-illegal drugs operation na pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) ka­hapon bago magtanghali sa Can­delaria, Zambales.

Base sa ulat ng PNP at PDEA, umabot sa 500 kilo ng shabu ang nasamsam sa isinagawang drug raid sa Noah’s Place, Brgy. Liberta­dor, Candelaria dakong alas-11:30 ng umaga kahapon.

Todas sa nasabing operasyon ang apat na Chinese national mata­pos na makipagpalitan umano ng putok sa mga operatiba. Nakilala sina Gao Manzhu, 49-anyos; Hong Jianshe, 58; Eddie Tan, 60; at Xu Youhua, 50; pawang tubong Fujian, China.

Bukod sa bulto ng shabu ay nakuha rin mula umano sa mga suspek ang apat na iba’t ibang kalibre ng baril na ginamit sa ‘pan­lalaban’, gayundin ang kanilang mga Chinese passport at isang Toyota Fortuner.

Sa ngayon, ito na ang maituturing na pinakamaraming nakumpiskang shabu sa isang operasyon ngayong taon.

Giit ni PDEA Director General Wilkens Villanueva, si Xu Youhua, ay malaking personalidad ng iligal na droga na nag-o-operate sa bansa at miyembro ng transnational drug trafficking organization.

Mahigit tatlong buwan umanong trinabaho bago isinaga­wa ang operasyon at mayroon pang follow-up operation na isinasagawa ang awtoridad.

Ang mga bulto ng shabu na nakumpiska, dagdag ni Villanueva, ay galing ng international waters na kung kanilang tawagin ay shipside: galing ng karagatan ang iligal na droga at susunduin ito ng bangka o speedboat para idaong sa coastline.

Samantala, nilinaw ng Presi­dential Security Group (PSG) na walang koneksiyon sa kanila ang isa sa apat na Chinese na napatay sa nasabing operasyon na nakasuot ng polo shirt na may logo ng PSG.

Hindi aniya uniporme ng PSG ang suot ng napatay na drug suspect at nabibili lamang ito sa military supply shop.

“Per verification from our intel­ligence staff, said person wearing the polo shirt with PSG seal is not in any way connected with PSG. Defi­nitely, he is not a member of PSG,” ani PSG Chief Colonel Randolf Cabangbang. (Edwin Balasa/ Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.