Abante Tonite Interactive

4 estudyante timbog sa shabu session

191

By Dolly Cabreza

Apat na estudyante ang naaresto ng mga awtoridad habang buma­batak umano ng shabu sa loob ng isang apartelle sa Cubao, Quezon City.

Kinilala ni Cubao Police Station 7 commander­ Lt. Col. Giovanni Hycenth Caliao ang mga naaresto na sina Benedict Almorado, 21-anyos; Joshua Dela Cruz, 19-anyos; Christian Miko Quiño, 21-anyos, at James Ama­ro, 19-anyos, pawang nakatira sa nasabing lungsod at mga estud­yante ng hindi na pina­ngalanang eskuwelahan.

Abante Hiring – IT dep

Ayon kay Caliao, dakong alas-nuwebe nang umaga noong Biyernes Santo nang masakote ang apat sa loob ng Room 17 ng Jeepneyline Apartelle na matatagpuan sa Yale St., Brgy. E. Rodriguez sa Cubao.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad kaugnay sa iligal na ginagawa ng mga suspek kaya ikinasa nila ang drug bust.

Nasamsam sa mga suspek ng 15 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P13,600, isang bukas na sachet ng shabu, mga drug paraphernalia at nabawi rin sa kanila ang buy-bust money.

Nakakulong ngayon ang apat na estudyante sa Cubao Police Station 7 habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila na paglabag sa Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002.